Dela Rosa: 'Si Kian ay ginagamit na courier ng kanyang ama. Ang ama niya mismo ang user'

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald "Bato" dela Rosa na ginamit lamang umano na kasangkapan ang napaslang na binatilyo na si Kian Lloyd delos Santos bilang drug courier ng kanyang sariling ama at mga tiyuhin, ito ay batay sa impormasyon na natanggap niya mula sa hepe ng pulisya sa Caloocan City.

Ayon pa kay Dela Rosa, kilala raw ng mga residente doon ang ama ni delos Santos na si Saldy na mabagsik na kapitbahay, kaya naman ang ibang nakatira sa kanilang barangay ay natatakot na magsalita laban sa kanya.

"Si Kian ay ginagamit ng kanyang ama. Ang ama niya mismo ang user, mga uncle ang mga pusher diyan at ginagamit si Kian na courier. Kaya nag-surface ang pangalan niya sa area mismo," ani Dela Rosa.

"Pati ang intelligence community natin na nagko-conduct ng operation plan sa Caloocan mismo, ang mga kapitbahay doon takot mismo na magsalita ng against sa kanila dahil kilalang siga ang ama pati mga uncle niyan, siga sa lugar. Yan ang nasasagap ng ating mga intel operatives diyan sa area," dagdag nito.

Inamin din ni Dela Rosa na dismayado siya sa naging resulta sa operasyon lalo na ang pagkakapatay sa binatilyo. Ngunit sinabi nito na lehitimo ang isinagawang operasyon ng pulisya ng Caloocan dahil may batayan naman para sa mga alegasyon na si Kian delos Santos ang source ng iligal na droga doon.

"Dismayed ako sa outcome ng operation, bakit napatay ang bata, pero hindi ako dismayed sa operation itself dahil meron naman talagang basehan ang operation na itinuturo talaga si Kian ay source ng droga doon sa area," pahayag nito.

Sinabi din nito na biktima lamang ng kanyang sariling ama si Kian at mabibigyan pa sana ng pagkakataon ang binatilyo na magbagong buhay kung ito ay nabubuhay pa.

"Biktima lang ang bata at ginagamit ng ama. Bigyan siya ng pagkakataon na magbagong-buhay at matuto na mali ang ginagawa niya. Sumusunod siya sa utos ng kanyang pusher na ama. Bata pa, magbago pa yan," ani nito.

Nanindigan din ang PNP chief na wala siyang balak konsentihin ang mga umaabuso na mga pulis sa kanilang kampanya kontra droga.

Tiniyak din ito na pina-iimbestigahan na ang pangyayari at mananagot ang mapapatunayang nagkasala.

Samantala, sinibak na sa pwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Oscar Albayalde ang tatlong pulis na sangkot sa pagkamatay ng Grade 11 na binatilyo.

No comments